Basta’t Kasama Kita

Francis Morilao

Saan tayo pupunta!? tanong niya.
Basta sumama ka sa akin, may sasabihin akong importante, at gusto kitang isama sa mga lugar na importante sa akin, paliwanag ko.
Ok, tugon niya.

Sakay ng jeep ay magkahawak kami ng kamay habang magkatabing nakaupo, hindi ko rin talaga alam ang talagang sitwasyon namin, MU (mutual understanding) kung baga. Mama bayad po, dalawa, sa may Blumentritt, inabot ko ang bayad namin.

Anong gagawin natin sa Blumentritt? tanong niya.
Bastaaaa, sabi ko.

Bumaba kami ng Chinese General Hospital, at naglakad papunta sa may Charity Ward. Malaki na rin ang pinagbago ng ospital na ito makalipas ang labingwalong taon.

Ano bang sasabihin mo? Ano bang gagawin natin dito? tanong niya.
Gusto kong ipakita sa iyo kung saan ako isinilang, oo dito ako ipinanganak sa Charity Ward ng Chinese General Hospital, dito ako nagsimulang umiyak, at nais kong dito rin magsimulang sumaya.

Ano!? Parang ang lalim yata, tanong ulit niya.
Alam mo bang palagi kong pinupuntahan ang lugar na ito at sabi ko sa sarili ko, kapag nahanap ko na ang babaeng gusto kong makasama habambuhay ay dadalhin ko dito? paliwanag ko.

Ows!? So you mean to say ako na ang babaeng ‘yun? tanong niya.
Alam mo minsan may mga tanong tayo na alam na rin natin ang sagot diba? pangungulit ko.
Iyan lang ba ang sasabihin mo? tanong ulit niya.

Huminto kami sa paglalakad at binitawan ko ang kanyang kamay, ipinatong ko ang dalawang kamay ko sa kanyang mga balikat na kaharap siya at nagsabing…

Ano ba talaga ang nararamdaman mo para sa akin?!

Bigla siyang natahimik at maya-maya ay sumagot…

Eh kung ano ang nararamdaman mo para sa akin ganon din naman ang nararamdaman ko para sa iyo.

Pagkatapos noon ay nagpatuloy kaming maglakad na halos malibot na namin ang buong parking lot ng Chinese General Hospital.

Wala pa rin kaming imik, tanging ang mga kamay namin ang nag-uusap, bawat higpit ng aming hawak ay nangangahulugang panatag ang aming puso, nagsasabing basta’t kasama kita, masaya ako. Ibang sayang hindi maipaliwanag.

Narating naming muli ang lugar kung saan kami bumaba kanina. Pumara ulit ako ng jeep at sumakay kami. Wala pa rin siyang imik. Magkahawak parin ang mga kamay namin. Nagbayad ako papuntang Manila City Hall.

Medyo gabi na at nakaramdam siya ng pagkaantok, unti-unti niyang inihilig ang ulo sa aking balikat, kahit walang imik ay ramdam kong nag-uusap ang aming mga puso.

Bumaba kami sa Lagusnilad at dumaan sa underpass patungo sa Intramuros. Magkahawak parin ang aming mga kamay hanggang sa marating namin ang ibabaw ng Intramuros. Naupo kami at humarap ako sa kanya.

Alam mo ba, dito ako palagi nagpapalipas ng oras, dito ako nangangarap, dito ko binibigyang laya ang aking puso at isipan, at minsan sinabi ko sa sarili ko, dito ko dadalhin ang babaeng mamahalin ko, nasabi ko sa kanya habang nakatitig sa kanyang mga mata.
Ilang babae na ba ang nadala mo na dito? pangungutya niyang tanong.

Hindi ako nakasagot, eh kasi naman hindi lang naman talaga siya ang unang babaeng dinala ko dito, kesa naman sa magsinungaling ako, hindi na lang ako umimik, kunwari hindi ko narinig sa lakas ng hangin. Pero sa totoo lang mahal ko na siya talaga, at maaaring siya na ang huling babaeng dinala ko dito.

Hindi na rin niya inulit ang tanong, siguro akala niya hindi ko narinig, malakas naman talaga ang hangin.

Mahal Kita, bigla kong sinabi sa kanya.

Itinaas niya sa mga mata ko ang tingin niya.

Sabi ko Mahal Kita, medyo malakas na ang boses ko.

Ngumiti siya, ngiting parang nag-aalinlangan, ramdam kong bubuka ang bibig niya para magsalita, at siguro itatanong niya kung ilang babae na ang nasabihan ko ng ganon, kaya inunahan ko na siya, inilapit ko ang aking bibig at siya ay hinalikan, nagpaubaya naman siya.

Unang halik ko sa kanya at sa lips pa. Feeling ko naka-jackpot ako. Alam mo ‘yung feeling na humalik ka sa mahal mo, ‘yung tagos hanggang sa puso, ‘yung merong kuryente sa pagsasalubong ng inyong mga laway papunta sa lalamunan at kapag nilunok mo dadaan sa puso, ang sarap ng feeling.

Actually inantay lang kitang magsabi pero mahal na kita, sabi niya. At natutuwa ako at ginawa mong memorable ang gabing ito para sa akin, sa simpleng paraan ay ipinaramdam mo sa akin ang tunay na pag-ibig. Hinding hindi ko malilimutan ang gabing ito.

Talaga! Nagulat ako sa mga sinabi niya, eh mula pa naman kasi kanina, wala na siyang imik.

Tara uwi na tayo, ihahatid na kita sa inyo, aya ko.
Oo, may pasok pa tayo bukas.

Teka remembrance natin, isusulat ko ang pangalan natin at babalikan natin ito kapag may anak na tayo ha??

December 5, 1992


Ano kaya ang mga pangalang inukit nila, nagkatuluyan kaya silang magpakasal?

Tungkol kay Francis Morilao

Started as Makatang Kiko of Mga Kathang Isip ni Kiko and The Psalmist of Unnamed Psalmist, now showcasing Designs, Skills, and Latest Blogpost.
Home About Me! Contact Me! Read More! View my Designs!


Creative Commons LicenseBasta’t Kasama Kita is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License. Based on a work at www.francismorilao.me. Permissions beyond the scope of this license may be available at the site's Permission Page.