Kaibigan Kailangan Kita

Kaibigan Kailangan Kita

Francis Morilao

Ang Maikling Kwento ng Pangungulila ay isang pagpapaalala sa mga kaibigan na minsang naging parte ng ating buhay.

Ang tagal tagal kong nakayuko habang tinatapos ang pagsisintas ng aking sapatos, siguro nga hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung saan ako pupunta sa araw na ito. Tumingala ako at tumayo, inilagay ang magkabila kong kamay sa magkabilang bulsa ng aking maong na pantalon at unti-unting humakbang papalayo, papunta sa sakayan ng Bus.

Kaninang umaga paggising ko, plano ko nang maglakad lakad sa may kahabaan ng Emerald Avenue sa Ortigas, papunta sa dati kong trabaho sa Strata 100. Halos apat na taon na rin akong hindi nakakapunta, nakakadalaw man lang sa mga naging kasamahan ko dito…

Hindi ko namalayan, nasa loob na ako ng bus na bumabagtas sa kahabaan ng Edsa, kung hindi pa ako tinabihan ni kuya sa upuan ng bus, hindi pa ako magkakaroon ng malay na kanina pa pala ako nakatitig sa kawalan habang nakadungaw ako sa clear window ng aircon bus…

Hindi ko alam hanggang ngayon, kung ano ang nararamdaman ko, na dapat excited ako na muli kong makikita ang mga kaibigan ko dati, ang mga kakulitan ko, mga kaututang dila, kasabayang kumain sa ilalim ng Wynsum Corporate Plaza, at kapag overtime naman sa Binalot sa tapat ng Greenwich Pizza… minsan pa kapag out-of-budget ang overtime mag tatyaga sa 39ners ng Jollibee sa may B.P.I.

Huminto ang bus sa may tapat ng POEA sa Edsa… parang may kung anong magic na para bang nagflash back sa akin ang mga panahong kumukuha ako ng O.E.C. dito para sa balik manggagawa pabalik sa bansang Qatar, dalawang taon na pala ang nakalipas, pero ganoon pa rin ang eksena sa may labas ng POEA, marami pa ring mga tambay sa gilid, nagbebenta ng ballpen, nag-aalok ng kung anu-anong loan, pati na passport wallet at iba pa.

Naalala ko ang mga panahong nasa bansang Qatar ako, mga nakilala kong kaibigan, kasamahan sa trabaho, mga naging barkada at mga nakasama sa galaan, kulitan, at kung anu-ano pa. Nasaan na kaya sila ngayon, naitanong ko sa aking isip, makalipas ng dalawang taong pagbabalik ko dito sa pinas, wala nang kumunikasyon, wala na ang facebook, at iba pang social media, marami na ang nanahimik.

Parang ako, matagal ding nagmukmok sa aking sarili, matagal na nag-alis ng sakit na nararamdaman ng kalooban, kaya kahit ngayon, medyo magulo pa rin ang aking isip, ay nagdesisyon akong umalis ng bahay at makipagkita sa mga kaibigan ko noon.

Tatlo na sa kanila ang tinawagan ko ngunit puro hindi na ‘yun ang kanilang mobile number, susubukan ko pa ring magbakasakali na magpunta doon at makita ko sila, maka-usap, kahit papaano mapagkwentuhan namin ulit ang mga kalokohan namin noon.

Huminto ulit ang bus sa may tapat ng Mister Donut sa Crossings, nakalampas na pala ako sa dapat kong babaan kanina sa kakaisip ng mga bagay na gusto kong alalahanin.

Bumaba ako ng bus, naglakad papuntang Crossings, nakita ko pa si kuya, na palagi kong binibilhan ng taho sa madaling araw kapag nag oovertime ako noon. Binagtas ko ang kahabaan ng daan papuntang Mega Mall, ang daan na palagi kong nilalakaran noong pumapasok pa ako, natatandaan ko pang eksaktong eksakto ang oras at hakbang ko para umabot ako sa oras ng pagpasok ko noon.

Masyado nang mahaba ang nalakad ko at kumalas ulit ang sintas ng sapatos ko kaya yumuko ako para ayusin ulit ito, sa pagtayo ko nakita ko si ate, oo si ate nga ang napakagandang dalaga na palagi kong nasasalubong sa tuwing papasok ako, kagaya pa rin ng dati, magpapalitan lang kami ng ngiti, habang siya ay hinahagod ang tingin sa aking katawan na parang may pagnanasa, hahaha, napangiti na lang ako habang papalayo sa kanya, halos anim na taon na ‘yun, parang wala bang nagbago sa itsura ko at ganoon pa rin tumingin si ate, natanong ko sa sarili, o baka naisip nya lang na nakita na nya ako dati hindi nya lang matandaan kong saan at kailan, medyo matagal na nga kasi, pero ang lugar at mga taong nasa paligid ng aking dinadaanan ay ganoon pa rin, at halos sila pa rin.

Napadaan din ako sa may gilid ng St. Francis Square, at nandoon pa rin ang Hong Kong Style Noodle na kinaaadikan ko sa tuwing uuwi ako, nagbago na ang mga nagtitinda pero, ganoon pa rin, marami pa ring bumibili.

Tanaw ko na ang building, malapit na ako sa dati kong trabaho, lumalakas ang kaba ng dibdib ko habang papalapit.

Pinasok ko na ang building, Strata 100, sa entrance na may Mc Donalds sa gilid, tinungo ko ang elevator at pumindot ng 18, hahaha, naalala ko itong building na ito, kakaiba nga talaga kasi mayroong 13th floor at kailangang pindutin mo ang floor na pupuntahan mo sa labas bago ka sumakay dahil sa loob ay walang numeric keypad para ka pumili ng floor na pupuntahan mo, weird masyado, kaya kapag nagtrip kang pindutin ang 13, at nagtrip kang sumakay sa elevator, sa 13th floor ka talaga pupunta.

Bumukas ang elevator sa D, sumakay ako, naalala ko, ilang beses ko ring nakasakay dito sa elevator na ito ang mga kilalang showbiz personality, kagaya nina RJ Ledesma, ang Editor-in-Chief ko noong hawak ko pa ang magazine na MANUAL, pati na rin si Jon Santos, at syempre si Chris Tiu, na brother ni Ma’am Cheryl Tiu at anak ng Chairman namin na si Sir Jerry Tiu.

Bumukas ang elevator…

Pages:

Iba Pang Babasahin:

Tungkol kay Francis Morilao

Started as Makatang Kiko of Mga Kathang Isip ni Kiko and The Psalmist of Unnamed Psalmist, now showcasing Designs, Skills, and Latest Blogpost.
Home About Me! Contact Me! Read More! View my Designs!


Creative Commons LicenseKaibigan Kailangan Kita is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License. Based on a work at www.francismorilao.me. Permissions beyond the scope of this license may be available at the site's Permission Page.