Valentine

Tatlong Araw bago ang Valentine’s Day

Francis Morilao

Isang gabi habang nagtatapos ng trabaho si Marlon ay may naramdaman siyang kakaibang lamig. Pakiramdam niya ay may ibang tao sa paligid. Bigla niyang naisip na baka may nagbibiro sa kanya sapagkat siya na lang ang natitira sa opisinang nag-oovertime. Huminto siya sa pagtipa ng kanyang keyboard at tumayo, inikot niya ang paligid ng kanilang opisina upang tingnan kung may tao nga, ngunit wala talaga siyang nakita.

Nagbalik siya sa kanyang upuan at patuloy na nagtrabaho, binalewala niya ang naramdaman ngunit bigla na lang namatay ang monitor ng kanyang computer. Dito na tumayo ang kanyang balahibo, dali-dali niyang pinatay ang computer at nagmadaling lumabas ng opisina.

Bahala na kung hindi ko matapos ang project, hindi ko kayang mag-stay pa, sabi na lang ni Marlon habang sinasara ang pinto ng opisina.

Pagdating niya ng gate ay nakapagtatakang hindi niya maisara ito, kung anong gaan nito kanina noong lumabas siya, ngayon sobrang bigat, parang may humahawak dito.

Diyos ko, sigaw ni Marlon, bigla na lang may tumapik sa kanyang likuran at paglingon niya ay isang matandang lalaki na noon nya lang nakita. Tila napako na siya sa kanyang kinatatayuan, hindi na siya nakapagsalita.

Mukha namang mabait ang itsura ng matanda kaya kahit papaano ay nahimasmasan siya.

Si-sino po kayo? Ba-bakit kayo nandito? tanong ni Marlon sa matanda.

Nanatiling nakatitig sa kanya ang matanda, tila hindi siya naintindihan. Bigla na lang iniwan ni Marlon ang matanda sa pag-aakalang may masamang gagawin ito sa kanya. Binilisan niya ang lakad papunta sa sakayan ng bus.

Ayun, madami nang tao doon, hay salamat, buntong hininga ni Marlon.

Ngunit pagdating niya sa antayan ng bus, nandoon na ang matanda at nakatingin sa kanya.

Hindi totoo ito, sabi niya sa sarili. Mabuti naman at dumating na agad ang bus at patakbo siyang sumakay, hindi na niya nilingon ang matanda.

Umupo siya sa bandang gitna ng bus at hindi pansin ang katabi. Ngunit parang naaasiwa siya sa katabi niya, parang kanina pa sa kanya nakatingin, bigla niya itong nilingon at bumulaga sa kanya ang matandang kanina pa nagpapakita sa kanya, gustuhin man niyang tumayo ay hawak na ng matanda ang kanyang kamay, tila may nais sabihin ang matanda.

Ano!? sigaw ni Marlon sa matanda, Kanina ka pa ah!?, nagtinginan ang mga pasahero ng bus kay Marlon, nahiwagaan sa kanya sapagkat wala naman silang nakikitang kausap nito.

Ngunit si Marlon ay nakatali sa pagkakahawak ng matanda at unti unti nitong inilapit ang kanyang mukha kay Marlon.

Huh!? biglang naalimpungatan si Marlon. Diyos ko, salamat po, buti na lang at panaginip lang.

Anong sabi mo!? tanong ni Cynthia, asawa ni Marlon.

Nanaginip ako dear, nag-overtime daw ako tapos nagpakita sa akin ang isang matanda at sinundan ako hanggang sa bus pag-uwi ko, nang akmang ilalapit niya ang mukha sa akin doon na ako nagising.

Asus, baka naman may ibubulong lang sa’yo, pabirong sabi ni Cynthia para makalma ang asawa.

Pero parang totoong totoo ang panaginip ko dear, pagpupumilit ni Marlon.

Ringtone…

Sino ba ‘yan? madaling araw na eh may tumatawag pa, tanong ni Marlon.

Hello!? ani Cynthia

Ate, si Carol ito, si Nestor binangungot kanina, takot na takot, may nagpakita daw na matanda sa kanya sa panaginip at sinundan daw siya nito hanggang sa pag-uwi pagkagaling ng opisina.

Ano kamo!? Eh ‘yan din ang panaginip ng kuya Marlon mo ngayon lang, pagpapaliwanag ni Cynthia.

Nagising na lang daw si Nestor nang inilapit ng matanda ang mukha nito sa kanya, sabi ni Carol.

Hala!! Ganyan din ang kwento ng kuya Marlon mo, sabi ni Cynthia.

Anong gagawin natin ate!? Baka may gustong sabihin ang matanda sa panaginip? tanong ni Carol.

Matulog na muna kayo, bukas pupunta kami dyan para pag-usapan natin, wika ni Cynthia.

Pages:

Iba Pang Babasahin:

Tungkol kay Francis Morilao

Started as Makatang Kiko of Mga Kathang Isip ni Kiko and The Psalmist of Unnamed Psalmist, now showcasing Designs, Skills, and Latest Blogpost.
Home About Me! Contact Me! Read More! View my Designs!


Creative Commons LicenseTatlong Araw bago ang Valentine’s Day is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License. Based on a work at www.francismorilao.me. Permissions beyond the scope of this license may be available at the site's Permission Page.